top of page

EDITORYAL

Edukasyong Umaasa sa Sapat na Paghahanda

Ni Ube Keso

416210959_340682662174573_3440266220265991069_n.jpg

Sa mabuting adhikain ng Department of Education (DepEd) upang maibsan ang kakulangan sa kaalaman ng mga estudyante sa bansa, nararapat lamang na maayos ang pagpapatupad nito mula pagpaplano at pagreresolba sa kasalukuyang problema na ating kinakaharap.

Naglabas ng panibagong memorandum ang DepEd nito lamang ika-10 ng Enero, 2024 ukol sa Catch-Up Fridays na may planong tulungan ang naghihingalong problema sa edukasyon ng bansa. Nakapaloob dito ang iskedyul kung saan gagamitin ang buong araw ng Biyernes sa pagbasa ng iba't ibang asignatura na sapat upang makapagbigay ng basic education sa mga bata. 

Madaliang inanunsyo ang programa sa kadahilanang matulungan ang estado ng Pilipinas sa larangan ng edukasyon. Ipinatupad ito upang maginhawaan ang kakulangan sa kakayahang magbasa at umintindi ng mga batang Pilipino. Nalilinang din itong pabutihin ang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2022 na 77 mula sa 81 na bansa ang posisyon.

Subalit, tila nasobrahan sa pagmamadali ang Deped sa pagpundar ng solusyon sa biglaang anunsyo na nagsimula kaagad dalawang araw matapos mailabas ang memo. Biyernes, ika-12 ng Enero ang unang araw na nagsimula ang naturang catch-up fridays. Ang problema, walang polidong paliwanag sa kung ano at paano ang gagawin dahil sa kakulangan ng pag-unawa at preparasyon para dito. 

Tulad ng ibininanggit ni Dr. Reggie Rey C. Fajardo sa naganap na Press Conference Briefing nito lamang ika-26 ng Enero, 2024, maganda ang adhikain na itinutulak ng DepEd ngunit nakadepende pa rin ang tagumpay nito sa kaayusan ng pagpapatupad at sa antas ng kamalayan ng mga guro, magulang, at mga estudyante. 

Tiyak na mahirap makamit at "mahuli" ang ninanais na makamtan ng DepEd kung hindi alam ng masa ang dapat na gawin sa pagbabagong dapat na sundin ng mga pampublikong paaralan at unibersidad. Mainam na mabigyan ng sapat na oras upang ihanda ang lahat ng kagamitan, proseso, at gawain na kakailanganin sa catch-up fridays upang mabigyan ng kasiguraduhan ang pag-unlad ng bansa sa kaalaman at kakayahan ng mga bata.

Masasayang ang programang may tsansang mapaunlad ang edukasyon sa bansa kung talamak naman ang kakulangan sa paghahanda at pag-uunawa.

Dakilang bumabatikos

Artikulo ni Gerald Bedania

Gaya sa Ibang Bansa, Mahalaga Ang Sariling Wika

Panahon na upang ating maunawaan na hindi lamang ang lenggwahe at istraktura na "gaya sa ibang bansa" ang pundasyon upang maging matalino ang isang bata. 

Ang Programme for International Student Assessment (PISA) ay inaaral ang mga kakayahang pang-edukasyon ng mga estudyante sa iba't ibang bansa sa pagbasa, agham, at matematika. Ayon sa datos ng PISA 2022, naibulgar na ang mga batang mahusay sa pagsalita ng lenggwaheng Ingles ay nakakuha ng pinakamababang iskor sa nasabing assessment. Naglalayon itong ikumpirma na hindi nakabase sa wikang kayang ibanggit ng isang bata ang kanyang kabuuang kakayahan sa edukasyon. 

Naging usapin din ito sa isang press conference briefing na naganap nito lamang ika-26 ng Enero, 2024. Aniya ni Dr. Reggie Rey C. Fajardo, Teacher 1 sa Mariano Ponce National High School, "panahon na na pakinggan ng ating Kagawaran ng Edukasyon na gamitin 'yong sariling wika sa pag-administer ng PISA sa Pilipinas". Tulad ng kaniyang isinambit, mainam na gamitin na lamang ang ating kinalakihang wikang Filipino, Tagalog, Cebuano, at iba pa dahil mas madali itong maunawaan ng masa.

Dagdag pa, tulad ng bansang Japan, na nakakamit ng ranking na 15 mula sa 81 na bansa, puspusan ang paggamit ng sariling wika sa pag-administer sa PISA. Kanilang minamaximize ang kakayahan at kagalingan nila sa kanilang sariling wika sa pamamagitan ng pag-iintindi ng iba’t ibang mga tulang Hapon.  Masasabi nating tunay ngang mas makabubuti kung maipapalago muna ng estudyante ang pagkilala sa sarili wika bago dumako sa pagkakakilanlan ng mga banyaga.

Sa dala ng mga taong mahuhusay sa Ingles at may halong impit sa pananalita, mahirap nang palitan ang nabuong estereotipo sa bansa. Subalit kung ating tatanggapin na dapat natin itong iwaglis sa ating isipan at pagtuunan lamang ng pansin ang ating kakayahan at pagmamahal sa sariling wikang dapat naman nating isambit, maaring mapabuti pa ang kinalalagyan ng estado ng edukasyon sa ating bayan.

Kalimutan na i-gaya ang ating sarili sa kung ano ang kaya ng ibang bansa. Pakatatandaan na sila mismo ay umunlad na gamit ang kanilang sariling wika. 

OPF-8

Tinta ng kalabaw, tinta ng balitang malinaw

Browse

Lupon ng editoryal

John Ra-ah Villanueva

Ron Vic Silverio

Gerald Bedania

Paul James Martin

Jordan Mikeford Villaflor

bottom of page